Saturday, January 28, 2006

Si Claudine Bading?

obviously, hindi siya bakla. tatlong dinurog na chalk ang tinira ko kanina. pagpasensiyahan ang bangag.

nagkataon lang talaga na sa karamihan ng pelikula ni claudine e baklitang-baklita ang drama niya.

at pansin mo ba na puro na lang siya tanong?

pagdating sa bandang climax ng pelikula kung saan pinatutugtog ang theme song dahil nag-away sila ng leading man niya, o kaya naisip lang niyang magdrama e bigla niyang bibitawan etong mga tanong na 'to. and then mahihinto ka at mapapaisip ... tapos bigla mong ibubulong sa sarili, "ano daw?" pero umiiyak ka na rin. kacheapan.

remember got to believe, claudine and rico forever: "alin ang mas madali, pag-aralang mahalin ang taong nagmamahal sayo o umasang mamahalin ka ng taong mahal mo?"

baklang bakla yung linya, davah!?!?!

at wag ka, may MTV ang dalawa. as in, kumanta silang dalawa ng got to believe at ginawan pa ng MTV. ganyan talaga pag celebrity ka at marami kang pera, pwede kang gumawa ng album at hindi ka pwedeng kwestiyunin ninuman. sa baranggay ka man magreklamo, de-deadmahin ka lang ni chairman. tignan mo si manny pacqiao may album na may MTV pa. (para sayo ... ang laban na 'to ... wohoooow ....)

anyway gokongwei, na-catch mo ba yung question number 2 sa milan , together with piolo "anakan mo ako" pascual: "mahal mo ba ako dahil kailangan mo ako o kailangan mo ko dahil mahal mo ko?"

clap talaga ako sa mga tanong na yan ...

as in baklang bakla talaga. sabi ng sisteraka ko na nakapanood ng dubai, e nagtanong na naman daw uli itong si ate claudine.

pero hindi ko napanood yun. hindi ako fan ni aga o ni john lloyd.

which makes me wonder, ano kaya susunod na pelikula ni claudine? siyempre kailangan lugar na naman so not to break the blockbuster chain.

IRAQ kaya? o NEPAL o AZERBAIJAN para mahirap mahirap i-market at i-fronounce.

tapos, second movie nila ito ni papa piolo. azz usual, love triangle sila ni ... drum roll fleeeez ... wanda ilusyunada. taruzh!!!

ipi-pitch ko talaga 'to. as in ipi-pitch ko talaga to to the powers that be, fromis. at shempre i-eksena ang lola mo. hindi pwedeng hindi!?!?!

tapos uunahan ko sa tanungan itong si claudine.

wanda: mahal mo ba ako dahil bakla ako o bakla ako dahil mahal mo ko?

piolo: pareho ...

claudine: pwede rin ba akong magtanong ...

wanda: hindi!

claudine: pelikula ko 'to ...

wanda: alin ang mas madali, pag-aralang mahalin ang baklang nagmamahal sayo o umasang bakla ang taong mahal mo?

piolo: sinong bakla? sinong bakla, ha? GAGO ka ha ...

wanda: claudine, ikaw na nga ...

Friday, January 20, 2006

Alin .. Alin .. Alin ang Naiba?

kasikatan ni madonna, debbie gibson, betamax, matitingkad na leggings at headband, at kulay dilaw na mga t-shirt nang huminto ang mundo ko at napakanta bigla ng "part of your world" kahit hindi pa ito nasusulat. kaka-survive ko pa lang ng growth gap years nang marealize ko na berde ang dugo ko. si kuya, isang halamang isda.

hindi ko sinisisi ang mahaliang gatas na hindi napainom sa akin ni mama noon. purita mirasol kami nang dalagita pa ako: payat, gusgusin, mahinhin, lampa, tahimik, maikli ang shorts at wala pang brip minsan. feel na feel ang pag lalaro ng bahay-bahayan, chinese garter, piko at mother may i cross the river. at dahil sindak sila sa towering height ko, lagi ako ang mother.

noon, object ako ng pang-aalaska ng mga tita at pinsan ko. tinatawag na "roderick," as in kuya dick "together forever" paulate (ay artistahin!). kasikatan ata ng petrang kabayo noon at binibining tsuperman kung saan siya bida. hindi pa ako aware noon mashado na "bakla" ang tawag sa malalamyang tulad niya. ang alam ko lang nakaka-aliw siya.

that time din pala, pinag-uusapan na ako at inaasar ng mga kalaro kong "bakla." sa murang edad, biktima na ako ng tsismis.

alam ko lang noon na nagkaka-crush ako sa mga lalaki kong kalaro at gusto ko silang laging kasama. naalala ko pa nga na crush ko isa sa mga binatilyo kong pinsan at nagpasama ako sa kanya sa kwarto kasi ... wala lang. madalas kong binabalik-balikan yung eksenang yon, medyo malabo at may echo gaya ng mga flashback sa tv. pilit kong iniintindi kung anong topak ang pumasok sakin noon. pag nagkikita kami ng pinsan kong 'yon, kinikilig pa rin ako.

first year highschool ako nang una kong matanggap na kakabit ng pleasing personality ko at ms. congeniality award ang salitang "bakla." at first year college naman ako nang lubos kong malaman na marami itong synonyms at variations.

at sabay ng pag-evolve ng mga salita at pagpapalit ng hairstyle ni madonna, nagpalit-anyo rin ang mga sirena. hindi lahat may kaliskis. hindi lahat may palikpik.

so far, eto ang alam kong scientific names ng mga bakla. (yet to be tried and tested by PAMET ...)


parlorista - eto yung mga baklitang nakikitang tumatambay sa parlor kasi doon sila nagta-trabaho. naniningil ng P80 bawat gupit o trim kay ate at nanay, pero libre sa mga effectionate na mga ohmbreng dadaan. karamihan sa kanila maraming kwento kaya masarap makipag-tsismisan. kung gusto mong malaman kung sinong kabit nino, chikka ka with them. at aminin, walang sing-beautiful ang gupit pag hindi gupit ng parlorista. feeling ko, ang misyon nila sa buhay ay paniguraduhing maganda ang tanawin.

closetta - eto yung mga walang nakaka-alam na bading sila. at medyo defensive pag nababanggit yung isyu. "sinong bading? bwakanang ... gripuhan kaya kita?!" ilag pati sila sa mga parlorista kasi alam nilang hasa ang radar ng mga lola mo. pero kahit ang asong si putol ay amuy na amoy siya, mega-deny pa rin si ate. maraming dahilan kung bakit siya may secret identity, gaya ni sailormoon. justifiable man yon o hindi, wala tayong paki-alam. dahilan niya 'yon. at laladlad din siya in his own time, parang butterfly ni ate mariah. kabilang dito ang ilang mga artistang hayaan na lamang natin sa loob ng aparador ni lola. (kung may alam kayo, i-chikka niyo naman)

pa-mhin - eto yung mga open sila sa katotohanang bet niya si kuya at ang kuya pa ng iba, pero hindi sila effem gaya rin ng ibang kuya na ngayon ate na. kilos lalaki pero pusong babae pero bitukang lalaki pa din. tanggap nila yung pagkatao nila kaya lang hindi lang sila sobrang expressive sa angking kabadingan. hindi dahil sa anemic sila sa green blood cells, pero kasi hindi lang nila trip mag pekpek shorts at spaghetti strap. eto yung mga madalas tumatarget at kumakarir ng kapwa bakla para maka-relasyon. taray!

silahis / silantro / bi - eto yung mga naglalaro sa gitna, mga patotot sa patintero. yung mga namamangka sa dalawang ilog. enjoying the best of both worlds, kumbaga. kaloka, kasi sila yung may napakaraming options. mapalalaki o babae, keri nila. minsan pa nga, pinagsasabay. of course, lalaki yung kabit para may korona at sceptre siya. pero yung iba sa mga ito, bakla talaga na nagkukuwari lang silahista. kasi gusto nilang mapaniwala ang sarili nilang iba sila. na may natitirang pagkalalaki pa sa kanilang ugat, kahit umaalingasaw ang matress niya. (please, stop me!?!) kwento sakin ng barkada ko, may na-meet siyang bi sa chat. bi daw siya, yun ang presscon. nang mag-meet sila, ayaw raw paawat ng foundation at ng kilay ni bi-kuno. bi-yot nga talaga.

bi-curious / straight curious - hindi ko rin mashadong getz ang difference nito. nakabitan lang ng salitang "curious" sa dulo, nag-iba na. ayon sa mga naka-eyebol ni kuya, ang take ko diyan e eto: ang mga bi-curious na nagsimulang lumitaw sa mga chatrooms sa internet ay mga lalaking nasa puntong exploration ng 3rd dimension. either hindi pa sila nakakapag-desisyon o kampante silang sumunod lamang sa agos. magalit na ang magalit, pero feeling ko, iisa lang dalampasigang babagsakan nito. sa galera ...

straight tripper - nagmula rin sa mga internet chatrooms, ang mga trippers ay tamang nagti-trip lang sa lahat ng aspeto ng salita. may halong duda rin ako sa mga ito gaya ng sa mga bi-curious. pero kasi karamihan sa mga nakilala ko, malakas lang talaga ang libido.

cross-dresser - eto ang mga tunay na ate: sa isip, sa salita at sa gawa. bihis at kilos babae. sabi ng kachukaran kong psychologist, mostly sa mga eto ay feeling naipanganak sa maling katawan. para sa kanila, sure silang dapat babae sila. siguro, nang mag-imbentaryo ng mga baby sa heaven, nagkaroon ng mix up. malay ko! at karamihan sa kanila, suki ng butika at best friend nila si pilar pilapil at si diane.

transexual - etong mga 'to, medyo may lalim ang pinaghugutan ng kabadingan. ang drama rin nila ay "woman trapped in a man's body." sabi ulit ng duktor kong friend, something to do with freud and family churvalu ... ewan. etong mga 'to ... plentious ng andalusha kasi nakapag-paretoke sila ng pagkalalaki nila. madalas eto gawin sa thailand. at in fairness, sa thailand, sing ganda sa states pero hindi sing mahal. wais! marami na ngang napipirata ngayon, pati pagkababae. (standing ovation ako diyan!?!)

transvestite - dito nabibilang ang mga drag queens. hindi ako sure sa etymological (taray!) background ng salitang ito, o kung may special na ibig sabihin ba ito na na-forget lang nina miriam at webster. pero according sa pelikulang napanood ko kung saan sina wesley snipes at john leguizamo ay napasuot ng panty hose at girdle, ang transvestite daw ay mga baklang sumobra sa fashion sense na hindi nakaya ng powers ng isang sexuality kaya ganon. (o, laban ka?)

hindi ako sure kung saan nanggaling ang mga "labels" na ito. nang magkamalay ako, andiyan na yang mga yan. at hindi ko ide-deny, natukso rin akong gamitin at ikategorya ang mga kapwa ko bakla.

nakakaloka nga minsang isipin na etong mga "labels" na ito ay mas madalas gamitin ng mga kabaklaan, lalu na sa mga chatrooms ng IRC at YM. at akalain mo, minsan may diskriminasyon pa sa loob mismo ng baklang lipunan. minsan mababa ang tingin ng isang grupo sa isa pa. habang ang isa naman nagmamataas. kaloka talaga!?!

e kung tutuusin, hindi mo naman makita ang pagkakaiba-iba. parang mga paninda minsan, iba-iba ng packaging pero pare-pareho rin ang laman. ang babae ay iba sa lalaki, and vice versa. pero mga tao pa rin sila. nasasaktan, natutuwa, nalilibugan. dahil sa pagkakaiba nakikita ang pagkakapareho. ano daw? sori, adik na ata ako.

hindi naman masama ang mga "labels." oo, hindi tayo mga damit, o mga folder sa filing cabinet. pero kasi minsan kailangan talagang i-define. gaya ng ang upuan ay furniture at ang star apple ay isang prutas na hindi ko pa natitikman o nakikita. parang ganon rin lang yon.

saka lang nagiging mali, pag ang tao ay kinakahon sa iisang salita. gaya ng bakla. parang si roderick paulate, hanggang ngayon bakla pa din sa tv. nababatukan. nanghihipo.

fine. sa totoong buhay may mga bakla talagang ganon. pero meron ding lalaking nababatukan at nanghihipo. at hindi tayo naaliw.

hindi kayang ikahon sa iisang salita ang pagkatao, mapa-lalaki man ito o babae o bading. sana alam ko na yan nung bata pa ako. malamang na-tsismis din akong nagra-rugby.

naririnig ko na sila ... ang mga kalaro ko ... "waaaaah!! baklang adik!!!"

Thursday, January 19, 2006

Sino ka Wanda?

hindi tayo magkakilala, pero madalas mo nang masilayan ang beauty ko.

akez ang kapatid mong lalaking panakaw na naglalaro ng barbie doll.

akez ang kumpare mong secretly in love sayo.

akez ang kalaro mo sa basketbol na bet ang physical contact, on and off court.

akez ang karpenterong pilit niloloko ang sarili kong lalaki ako, pero crush na crush yung mason.

akez ang consehal na over kung magpigil ng sarili, pero kabog si ate regine pag nakakakita ng flying ipis.

akez ang fratman na kumukupal sa mga cute na neophyte.

akez ang jowa ng mga bilat na walang kamalay-malay.

akez ang tambay ng starbux at iba pang kapihan kc naghihintay ng ka-eyebol.

akez ang member ng fitness first at iba pang mga health club, kc masaya sa loob ng sauna.

akez ang parloristang nag papaganda sa mga ate at nanay mo, at gumugupit sa buhok mo. at gustung-gusto mo ang gupit ko kc bumabalik ka sakin.

akez ang mga baklang masho-shondang rumarampa sa mga parke at plaza.

akez ay isa sa mga trans na nagpapa-pick up sa quezon ave.

akez ang anino ni diego, ang pambansang bading, at iba pang artistang bading na ginagawang katatawanan sa tv.

akez ang stand-up comedian sa mga bars na nang-ookray sa mga kaokray-okray kaya ok lang.

akez si magdalena, si mulan, si zsa zsa zaturnnah, si valentina, si sailormoon at lahat ng karakter sa tv, sine at komiks na pangarap naming isuot ang costume.

akez ang kandidata ng bawat miss gay beauty pageant sa pateros, tondo, taguig at kung saan saan pa.

akez ang bagets na kabisado lahat ng maliliit na detalye ng miss international, world at universe; at nakapili kami ng gusto naming evening gown.

akez ang nyoklang humahada sa madidilim na sulok ... pati na rin sa maliliwanag.

akez ang bading na minsan nangarap maging mermaid o prinsesang ikinulong sa napakataas na tore ng isang witch na chaka.

akez ang isa sa mga pumupuno sa maluluwang na kalye ng nakpil at orosa kahit ordinaryong araw.

akez ang mga paminta at mga effem, na kung iisipin mo wala namang pinagkaiba.

akez ay isa sa mga parokyano ng mga bath houses na nagkalat sa maynila.

akez ay isa sa mga anonymous names sa chatroom, naghahanap ng booking and/or relasyon.

akez ay ang baklang umiiyak pag nasasaktan, nagdudugo pag nasusugatan, humahalakhak pag may nadadapa. pusong babae, bitukang lalaki.

gaya mo rin ako ... iba lang talaga ang trip ko at ng ibang tulad ko ...

hindi dapat sabihing kaming mga bakla ay nabubuhay sa mundo ng ilusyon. kc unfair yon. lahat nag-iilusyon. kahit yung mga driver-sweet-lover, TODA at CONSTRU ay malalakas mag-ilusyon. kc ang pag-iilusyon bahagi ng kapangyarihan ng bawat nilalang -- mapalalaki ka man o babae. gift yan ni Papa God. (tenkyu po!) kaya go, gamitin mo.

ito ang mga kwentong parlor na naganap at nagaganap sa buhay ko at ng ibang katulad ko. at wag ka, ang dami na namin. meron na nga kaming sariling friendster, kala niyo. at mayroon naking sariling special day, parang mother's day o father's day. bobah!?! gay pride day, hindi happy gay day.

hindi ko layunin na maintindihan niyo ako o tanggapin ang mga bagay na sasabihin ko. pero sa mundong hinahaluan ng kulay ng pag-iilusyon, ito ay isa sa mga kaganapang tunay at totoo.

ako si wanda, at eto ang aking kwento. i just want u to know (naks, nosebleed!!!), gaya ng ibang mga kapatid ko sa pananampalataya, ang ganda-ganda ko ...

FINE! pati na nga ikaw!